LAHAT NG TAO MAY ITINATAGO, NGUNIT ITO'Y GUSTONG KUMAWALA SA ATIN. MGA SIGAW NA HINDI NARIRINIG, MGA TAKOT NA DI NAKIKITA, MGA PANAHON KUNG SAAN TAYO AY MASAYA AT TAYO AY MALUNGKOT.

8.10.11

OUT


Lahat tayo ay may sikretong pinakatatago, ngunit sabi nga nila, walang sikretong di nabubunyag, walang kalansay na di maamoy.

Ngunit mahirap ata ang sikretong ito kung alam mong di ka tatanggapin ng taong inaasahan mong iintindi sa iyong nararamdaman at kinalalagyan. Bagkus ay gusto niyang tahakin mo ang tuwid na landas. Hindi ko alam ang sasabihin ko ng sabihin ng aking ina na alam niya ang "kung anumang relasyon" kami ng aking mahal at kaya daw dun kaya ako'y minamalas, at kung pipiliin ko ang landas na gusto niya ay sweswertehin daw ako, at di na magagalit ang itaas. Di ko alam kung paano aatake, dahil ako'y nadagit na, di ko alam kung paano ako kakawala. Sisigaw ba ako? tatahimik na lang ba at tatanggapin ang mga sinasabi niya? o ipagtatanggol ko ang aking kaligayahan? Ngunit nanatili akong pipi. Nanatili akong bingi sa tapat niya, ngunit ang katotohanan ay nasaktan ako at ang mga salitang sinabi niya ay mistulang naging balisong na sumasaksak sa aking pagkatao.

Alam kong pasasaan pa't matatanggap nila ako, kami. Alam kong may tamang panahon. Alam kong matatag ang aming relasyon at ito'y isang bagyo lamang na sumusubok sa amin. Sana ay maintindihan ng mga tao na walang masama sa pagiging bakla. Masyadong nagiging maramot ang mundo at kailangan pang paghirapan ang kapirasong pagtanggap at respeto ng lipunan. Ngunit nandito pa rin kami, lumalaban at nagtatagumpay sa kung ano mang landas ang aming tahakin.

No comments:

Post a Comment