LAHAT NG TAO MAY ITINATAGO, NGUNIT ITO'Y GUSTONG KUMAWALA SA ATIN. MGA SIGAW NA HINDI NARIRINIG, MGA TAKOT NA DI NAKIKITA, MGA PANAHON KUNG SAAN TAYO AY MASAYA AT TAYO AY MALUNGKOT.

24.4.11

Evaluation.

65%. Grado ko.

SWOT
Strengths - 4
Weaknesses - 9
Opportunities - 3
Threats - 2

Wow. Mas marami pa akong kahinaan kaysa sa aking mga kalakasan.

Karapat dapat ba ako dito?

Baka. Pwede. Siguro. Hindi. Oo.

Magdadalawang taon na din ako sa industriyang aking kinalalagyan.Halos dalawang taon kung saan ay marami na akong mga kasamahang umalis at hinanap kung saan talaga sila nababagay, kung saan sila magtatagumpay. Marami na akong nakilala, maraming nakatawanan at nakakwentuhan.

Masaya sa mundong ginagalawan ko. Ngunit ang hindi alam ng iba ay kung gaano ito kabusisi, kung gaano ito kagulo. Maraming nagiisip na ang mundong ito ay isang glamorosong industriya kung saan ay nakakasalamuha mo ang mga taong ni sa hinagap ay iyo man lang makakausap. Mga taong beterano na sa kani-kanilang propesyon na maaring mong kapulutan ng kaalaman. Kung saan ay nasasabi mo sa mga tao na ito dapat ang iyong bilhin, ito ang mas maganda, ito ang karapat-dapat.

Nagiisip ako, para ba ako dito? O kailangan ko lang lagpasan ang aking sarili para magtagumpay sa larangang ito. Marami pa akong dapat matutunan, at mas marami pa akong dapat matuklasan. Sa ngayon, papakiramdaman ko muna ang hangin, lalabanan ang alon, at magsusumikap.

Mabuti na lamang ay nandiyan ka.