Pumunta ako kasama si Mama at si Lola sa presinto para bumoto sa halalan 2010, una, hinanap pa ulit yung cluster number ko dahil hindi na gumagana yung comelec site nang tignan ko ito, pangalawa, ang init ng panahon, pangatlo, ang gulo-gulo dun sa eskwelahan.
Sinamahan muna namin si Lola para hanapin ang presinto niya at para makaboto, habang bumoboto siya, pumunta muna ako sa cluster namin kung saan ay kumuha ako ng number, nasa 640+ na yung nakuha ko, samantalang ang tinatawag pa lamang na numero ay nasa 120+ at alas dose na ng tanghali. Pagkatapos bumoto ni Lola, umalis muna kami at kumain, pagkatapos kumain ay nag-grocery pa kami, at pagkatapos nun ay umuwi muna ng bahay, at nag-ayos din ng mga pinamili.
Bandang alas kwatro na ng napagpasyahan naming bumalik sa eskwelahan. Pag-dating namin, number 175+, wow ah, wow lang, halos tatlong oras na kaming nawala at ganun pa din ang usad ng pagboto? Naghintay kami ng naghintay, hanggang sa magutom na lang ulit ako at hanggang sa ma-empty battery na yung cellphone ko, hanggang sa nagsi-alisan na ang ibang mga tao. Time check, 8.30 tik tok tik tok tik tok time check 8.45 tik tok tik tok tik tok, number 640, ayan na, ako na ang tatawagin, nakapasok na ako dun sa presinto, at naghintay ulit, tik tok tik tok tik tok, 9.00pm, syempre nauna si mama, at syempre pa nung hinahanap na siya, wala dun yung pangalan niya, hindi siya dun naka-register, sa ibang presinto siya.
Ako na, pangalan, pirma, kumuha ng balota at marker, umupo sa silya, kinuha ang listahan sa lotto, tumaya...
tapos na tumaya, inihulog na ang balota, engg, engg, engg, CONGRATULATIONS, your vote has been counted.
Naks naman, nakaboto ako pagkatapos ng siyam na oras na paghihintay...
Na-realize ko lang, na kahit na sobrang init, na sobrang tagal ng pila, ay nagtiyatiyaga pa rin ang mga tao upang makaboto lamang, umaasa sa isang bagong Pilipinas, sa isang bagong pamamahala. Sana lamang, kung sino man ang nakaupo na sa Malakanyang ay magampanan niya ang kanyang tungkulin dahil hindi magtiya-tiyaga ang mga tao na pumila at tiisin ang init at gutom kung hindi sila nagnanais ng pagbabago.