LAHAT NG TAO MAY ITINATAGO, NGUNIT ITO'Y GUSTONG KUMAWALA SA ATIN. MGA SIGAW NA HINDI NARIRINIG, MGA TAKOT NA DI NAKIKITA, MGA PANAHON KUNG SAAN TAYO AY MASAYA AT TAYO AY MALUNGKOT.

20.6.10

Kisses.

Kinuha ko siya, ibinulsa, at umalis na kami.

Hindi ko maitago ang aking kasiyahan pauwi, isa siya sa mga usong-usong laruan nung ako'y nasa ikalawang baitang sa elementarya. Sabik na akong ipakita sa aking mga kalaro ang kulay berde't mababangong kisses.

Gusto ko na siyang makitang nanganganak habang nakalagay sa bulak na nilagyan ng tubig. Naalala ko pa, nakikipag-palit pa ako sa ibang meron nun para magkaroon  ng ibang kulay ang mga kisses. Binubusisi pa ang kakapiranggot at maliliit na kisses para lamang malaman kung buntis na ba ito.

Ipinakita ko ito sa kanya, tinanong ako kung saan ko ito nakuha, sinabi ko na kinuha ko ito sa may counter habang nagbabayad ng mga pinamili, ibinulsa ko ito. Tuluyan siyang nagalit, kinuha ang sinturon at tuluyan akong pinalo, pinagalitan dahil sa pangungupit na aking nagawa, hindi ko alam na nagnakaw na pala ako, ang alam ko sa mga panahong iyon ay libre lamang ito at pwede mong kunin. Nagalit siya, ikinulong ako sa kwarto, walang bentilador, madilim, patuloy ang aking pagtangis, ang walang humpay na pagtulo ng aking sipon, ang basa kong damit na nagmimistulang basahan. May mga bakas ng sinturon sa aking katawan. Natatakot ako, mag-isa lang sa kwartong madilim. Hindi ako pinapalabas hangga't hindi ako nagsisisi. Natatakot ako. Dumating ang aking tiyahin, siya ang nagpunas sa basa kong katawan na dulot ng init at pawis. Mula nuon, natuto na ako, ayaw ko na bumalik sa madilim, mainit at nakakatakot na kwarto.


Madalang lang namin siya makasama, dalawang buwan lamang siya nananatili at ang sampung buwan ay iginugugol niya sa iba't ibang parte ng mundo, tahimik, nangungusap ang mga mata, ngunit kung magalit ay matindi. Kuripot, siya ang aming taga-luto.

Siya ang gumigising sa amin sa tuwing linggo ng umaga, magpapatugtog siya sa radyo ng kanyang paboritong istasyon, mga makalumang kanta, napakalakas, kahit buong eskinita sa amin ay maririnig ito. Sa kanya ko nakuha ang pagpapatugtog na pagkalakas-lakas. Isang utos lamang niya, susundin na. Siya ang tiga-ayos ng mga sirang gamit dito, mga electric-fan na hindi na gumagana, mga tukador na hindi maisara ng maayos.

Minsan, habang ako'y natutulog, tumabi siya sa akin, niyakap niya ako. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Naramdaman ko din ang kanyang yakap. Yakap na nagsasabing nandito lang ako, mahal kita. Napaka-kakaiba ng naramdaman ko, minsan lang siya magpakita ng kanyang nararamdaman. Hindi ko malimutan ang araw na iyon.

Lumaki kaming hindi siya kasama, sa aking graduation ng elementarya at hayskul, wala siya. Laking tuwa ko na lamang na siya ay dadalo sa aking Commencement sa kolehiyo. Masaya ako.

Katulad niya, hindi ko din hayagang ipinapadama ang aking nararamdaman, katulad niya, ang mga mata ko ang nakikipagusap, katulad niya, matindi din ako kung ako'y gagalitin. katulad niya, gustong gusto ko din kumain.

Gusto kong makita niya kung ano ang kaya kong maabot. Gusto kong maramdaman niya na mahal ko siya.

Gusto ko din mag-pasalamat sa kanya. Maraming salamat Pa. Hindi mo man ito nababasa, ito ang tanging maihahandog ko sa iyo.

 Maligayang Araw ng mga tatay.

2 comments: