LAHAT NG TAO MAY ITINATAGO, NGUNIT ITO'Y GUSTONG KUMAWALA SA ATIN. MGA SIGAW NA HINDI NARIRINIG, MGA TAKOT NA DI NAKIKITA, MGA PANAHON KUNG SAAN TAYO AY MASAYA AT TAYO AY MALUNGKOT.
Showing posts with label the beggining. Show all posts
Showing posts with label the beggining. Show all posts

10.2.11

Pagbubunyag.

Minsan, kailangan mo din ipakita kung sino ikaw sa ibang tao upang ikaw ay mas lalong maintindihan.
Matagal ko na din suot-suot ang maskarang nagtatago sa aking tunay na katauhan, ngunit may mga pagkakataon na kailangan mong iharap ang taong nagtatago sa likod ng nito.

Hindi ako nagsisisi sa desisyong ito, kahit na iilan lamang ang nakakaalam ng aking tunay na katauhan, ang alam ko ay masaya ako't malaya na.

20.6.10

Kisses.

Kinuha ko siya, ibinulsa, at umalis na kami.

Hindi ko maitago ang aking kasiyahan pauwi, isa siya sa mga usong-usong laruan nung ako'y nasa ikalawang baitang sa elementarya. Sabik na akong ipakita sa aking mga kalaro ang kulay berde't mababangong kisses.

Gusto ko na siyang makitang nanganganak habang nakalagay sa bulak na nilagyan ng tubig. Naalala ko pa, nakikipag-palit pa ako sa ibang meron nun para magkaroon  ng ibang kulay ang mga kisses. Binubusisi pa ang kakapiranggot at maliliit na kisses para lamang malaman kung buntis na ba ito.

Ipinakita ko ito sa kanya, tinanong ako kung saan ko ito nakuha, sinabi ko na kinuha ko ito sa may counter habang nagbabayad ng mga pinamili, ibinulsa ko ito. Tuluyan siyang nagalit, kinuha ang sinturon at tuluyan akong pinalo, pinagalitan dahil sa pangungupit na aking nagawa, hindi ko alam na nagnakaw na pala ako, ang alam ko sa mga panahong iyon ay libre lamang ito at pwede mong kunin. Nagalit siya, ikinulong ako sa kwarto, walang bentilador, madilim, patuloy ang aking pagtangis, ang walang humpay na pagtulo ng aking sipon, ang basa kong damit na nagmimistulang basahan. May mga bakas ng sinturon sa aking katawan. Natatakot ako, mag-isa lang sa kwartong madilim. Hindi ako pinapalabas hangga't hindi ako nagsisisi. Natatakot ako. Dumating ang aking tiyahin, siya ang nagpunas sa basa kong katawan na dulot ng init at pawis. Mula nuon, natuto na ako, ayaw ko na bumalik sa madilim, mainit at nakakatakot na kwarto.


Madalang lang namin siya makasama, dalawang buwan lamang siya nananatili at ang sampung buwan ay iginugugol niya sa iba't ibang parte ng mundo, tahimik, nangungusap ang mga mata, ngunit kung magalit ay matindi. Kuripot, siya ang aming taga-luto.

Siya ang gumigising sa amin sa tuwing linggo ng umaga, magpapatugtog siya sa radyo ng kanyang paboritong istasyon, mga makalumang kanta, napakalakas, kahit buong eskinita sa amin ay maririnig ito. Sa kanya ko nakuha ang pagpapatugtog na pagkalakas-lakas. Isang utos lamang niya, susundin na. Siya ang tiga-ayos ng mga sirang gamit dito, mga electric-fan na hindi na gumagana, mga tukador na hindi maisara ng maayos.

Minsan, habang ako'y natutulog, tumabi siya sa akin, niyakap niya ako. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Naramdaman ko din ang kanyang yakap. Yakap na nagsasabing nandito lang ako, mahal kita. Napaka-kakaiba ng naramdaman ko, minsan lang siya magpakita ng kanyang nararamdaman. Hindi ko malimutan ang araw na iyon.

Lumaki kaming hindi siya kasama, sa aking graduation ng elementarya at hayskul, wala siya. Laking tuwa ko na lamang na siya ay dadalo sa aking Commencement sa kolehiyo. Masaya ako.

Katulad niya, hindi ko din hayagang ipinapadama ang aking nararamdaman, katulad niya, ang mga mata ko ang nakikipagusap, katulad niya, matindi din ako kung ako'y gagalitin. katulad niya, gustong gusto ko din kumain.

Gusto kong makita niya kung ano ang kaya kong maabot. Gusto kong maramdaman niya na mahal ko siya.

Gusto ko din mag-pasalamat sa kanya. Maraming salamat Pa. Hindi mo man ito nababasa, ito ang tanging maihahandog ko sa iyo.

 Maligayang Araw ng mga tatay.

16.3.10

Rondalya.

Isang kaluluwang naghahanap ng aliw
sa saliw at indak ng rondalya
at magpapasayaw sa kanyang nangungulilang puso.

At sa bawat pagkalabit ng mga kwerdas
ay ang muling pag-gising
sa kanyang malikot na utak

Nangangarap na isang araw
kanyang muling matatamo
ang musikang kanyang
ninanais na muling marinig.

1.1.10

Twenty-Ten.

A fresh new start of old ways?

Sa napansin ko, walang masyadong putukang nangyari sa pagsapit ng taong twenty-ten (o baka dito lang sa lugar namin). Usually pagdating ng bagong taon, dito sa itaas ng bahay namin, puro usok na lang ang makikita't malalanghap mo, pero 'di nangyari ang inaasahan ko, walang masyadong ka-boom, walang masyadong boom boom boom, walang masyadong zzzzzoooooooooommmmm-----boooomm!, at higit sa lahat, di ko na masyadong makita ang magagandang fireworks display mula sa araneta, sa eastwood, sa marikina, at sa kung saan pang lupalop, dahil may nakaharang na, yung mga bahay-bahay dito sa lugar namin nagsi-taasan sila. Anyway, year of the metal tiger na, wala lang, gusto ko lang sabihin.

Sa tingin ko, bagong simula na talaga, nagbabagong buhay na ang mga tao. Teka, di pa pala, dahil yung kapitbahay namin, bagong taon na bagong taon, ayun, nakikipagaway sa asawa niya, ang lakas ng boses, di tuloy makatulog mga tao dito sa amin.

A fresh new start of old habits?

Isa sa mga habit ko eh magbasa ng mga blogs, gadget blogs, personal blogs, at kung ano pang pwedeng basahin at mga pwedeng ma-click na mga links, kahit na nga minsan ay inaantok na ako at pagod dahil sa OT=Ty (but still happy 'cause of foods!) na work, di ko pa rin maiwasang di humarap sa tapat ng monitor at magbasa pagkauwi ko sa bahay.

Masaya kasi magbasa ng mga blogs, dito, nakakapulot ka ng mahahalagang aral, nakakapag-share ka ng ideas, nakakapag-komento ka, nailalabas mo ang kung ano mang damdamin/dinadamdam mo, at nakakakilala ka ng iba't ibang uri ng tao, iba't ibang personalidad at karakter.


----------------------------------------------------------------------------

Masaya lang ako, dahil sa pagkakataong ito, masaya lahat ng mahal ko sa buhay, dalangin ko lang na sa bagong taon na ito, maging ganap pa ang pag-unawa namin sa isa't isa, maging maayos ang mga di pagkakaintindihan, at sama-samang harapin ang laban ng buhay. Iba ang pagsalubong namin sa taong ito, ibang iba sa aking inaasahan, at masaya ako.

Sana sa taong twenty-ten, mas maunawaan ko pa ang takbo ng buhay.

----------------------------------------------------------------------------


Sabi nga ng kaibigan ko, "you can be experienced but not mature, but you can be mature without that much experience." 

I may not be experienced enough to deal with life, but I know that I can be mature enough to know what life means.

31.12.09

Pasasalamat.

Sa pagtatapos ng taon na ito, marami akong dapat i-pagpasalamat.

Sa mga taong nakilala't nakasalamuha ko, sa mga taong kinainisan ko, sa mga taong minamahal ko, sa mga taong nagbigay sa akin ng inspirasyon, maraming salamat sa inyo. Nang 'di dahil sa inyo, 'di mabubuo ang isang taong puno ng kulay, ng kasiyahan, ng kalungkutan, ng kalokohan, at kung anu-ano pang ka(fill-in-the-blank). Sana sa susunod na taon, mas makilala ko kayo ng husto.

Isang buong taon na puno ng kaganapan sa aking buhay at isang panibagong taon na naman ang aking haharapin. Di na ako gagawa ng aking resolution dahil mas gugustuhin ko na gawin ito ng kusa, at 'di dahil sa napilitan ako.

Salamat sa lahat-lahat, salamat sa mga aral ng buhay na Iyong ibinahagi sa akin, maraming salamat sa isang buong taon, tunay Kang dakila, maraming salamat sa mga pagsubok, nang dahil dito, natuto akong malagpasan ang hamon ng buhay, at patuloy sa pagtanggap ng mga ito. Maraming salamat po.

UST Paskuhan 2009.

UST Paskuhan 2009. 


CHEERS FOR THE NEW YEAR! :)

1.9.09

The Iron-Mask Man.

Isang taong nagtatago sa isang maskara.
Maraming nais sabihin na 'di kayang isigaw.
Malalaman pa ba ang tunay na dahilan sa kanyang pagtatago?
O tuluyan na niyang hahayaan ang suot na maskara ang humarap sa tao?