LAHAT NG TAO MAY ITINATAGO, NGUNIT ITO'Y GUSTONG KUMAWALA SA ATIN. MGA SIGAW NA HINDI NARIRINIG, MGA TAKOT NA DI NAKIKITA, MGA PANAHON KUNG SAAN TAYO AY MASAYA AT TAYO AY MALUNGKOT.

8.10.11

OUT


Lahat tayo ay may sikretong pinakatatago, ngunit sabi nga nila, walang sikretong di nabubunyag, walang kalansay na di maamoy.

Ngunit mahirap ata ang sikretong ito kung alam mong di ka tatanggapin ng taong inaasahan mong iintindi sa iyong nararamdaman at kinalalagyan. Bagkus ay gusto niyang tahakin mo ang tuwid na landas. Hindi ko alam ang sasabihin ko ng sabihin ng aking ina na alam niya ang "kung anumang relasyon" kami ng aking mahal at kaya daw dun kaya ako'y minamalas, at kung pipiliin ko ang landas na gusto niya ay sweswertehin daw ako, at di na magagalit ang itaas. Di ko alam kung paano aatake, dahil ako'y nadagit na, di ko alam kung paano ako kakawala. Sisigaw ba ako? tatahimik na lang ba at tatanggapin ang mga sinasabi niya? o ipagtatanggol ko ang aking kaligayahan? Ngunit nanatili akong pipi. Nanatili akong bingi sa tapat niya, ngunit ang katotohanan ay nasaktan ako at ang mga salitang sinabi niya ay mistulang naging balisong na sumasaksak sa aking pagkatao.

Alam kong pasasaan pa't matatanggap nila ako, kami. Alam kong may tamang panahon. Alam kong matatag ang aming relasyon at ito'y isang bagyo lamang na sumusubok sa amin. Sana ay maintindihan ng mga tao na walang masama sa pagiging bakla. Masyadong nagiging maramot ang mundo at kailangan pang paghirapan ang kapirasong pagtanggap at respeto ng lipunan. Ngunit nandito pa rin kami, lumalaban at nagtatagumpay sa kung ano mang landas ang aming tahakin.

24.4.11

Evaluation.

65%. Grado ko.

SWOT
Strengths - 4
Weaknesses - 9
Opportunities - 3
Threats - 2

Wow. Mas marami pa akong kahinaan kaysa sa aking mga kalakasan.

Karapat dapat ba ako dito?

Baka. Pwede. Siguro. Hindi. Oo.

Magdadalawang taon na din ako sa industriyang aking kinalalagyan.Halos dalawang taon kung saan ay marami na akong mga kasamahang umalis at hinanap kung saan talaga sila nababagay, kung saan sila magtatagumpay. Marami na akong nakilala, maraming nakatawanan at nakakwentuhan.

Masaya sa mundong ginagalawan ko. Ngunit ang hindi alam ng iba ay kung gaano ito kabusisi, kung gaano ito kagulo. Maraming nagiisip na ang mundong ito ay isang glamorosong industriya kung saan ay nakakasalamuha mo ang mga taong ni sa hinagap ay iyo man lang makakausap. Mga taong beterano na sa kani-kanilang propesyon na maaring mong kapulutan ng kaalaman. Kung saan ay nasasabi mo sa mga tao na ito dapat ang iyong bilhin, ito ang mas maganda, ito ang karapat-dapat.

Nagiisip ako, para ba ako dito? O kailangan ko lang lagpasan ang aking sarili para magtagumpay sa larangang ito. Marami pa akong dapat matutunan, at mas marami pa akong dapat matuklasan. Sa ngayon, papakiramdaman ko muna ang hangin, lalabanan ang alon, at magsusumikap.

Mabuti na lamang ay nandiyan ka.

10.2.11

Pagbubunyag.

Minsan, kailangan mo din ipakita kung sino ikaw sa ibang tao upang ikaw ay mas lalong maintindihan.
Matagal ko na din suot-suot ang maskarang nagtatago sa aking tunay na katauhan, ngunit may mga pagkakataon na kailangan mong iharap ang taong nagtatago sa likod ng nito.

Hindi ako nagsisisi sa desisyong ito, kahit na iilan lamang ang nakakaalam ng aking tunay na katauhan, ang alam ko ay masaya ako't malaya na.